Holdupper, Hinoldup ng Kasabwat

Nadakip ang isa sa dalawang suspek sa panghoholdap ng mga pasahero sa bus sa Edsa sa Quezon City. Pero ang gamit ng mga biktima hindi na nabawi pa sa suspek.

Paliwanag pa ng suspek, hinoldap din daw siya ng kaniyang kasabwat.

Ayon sa report, sinabing nadakip ng mga otoridad ang suspek na si Allan Leoniza de Chavez matapos siyang makilala ng apat na biktima sa photo gallery ng Kamuning Police Station ng mga dati nang naaresto.

Kaagad na pinuntahan ng mga pulis ang tirahan ni de Chavez sa Antipolo, Rizal at agad naman naaresto ang suspek.

Dati nang nakulong si de Chavez dahil sa reklamong robbery doldup pero nabasura ang kaso nang hindi na dumalo sa pagdinig ang kanyang mga biktima.

Pero nang makalaya, bumalik nanamn umano ito sa dating gawain.

Paliwanag niya, naingganyo lang daw siyang mangholdap ng kasamang si "Alyas Botchok" dahil sa kailangan niya ng pera matapos ma-caesarean ang asawa.

Dagdag nito, pinagamit din umano siya ng droga ni Botchok at binigyan ng baril na kalibre 38.

Pero hindi rin daw niya napakinabangan ang mga gamit na natangay sa mga pasahero dahil kinuha raw ito ni Botchok.

"Pagbaba namin hinoldap din ako, yung baril na hawak niya itinutok sa akin. Bigay ko raw sa kaniya yung baril, inagaw pa sa akin ang bag," kuwento nito.

Apat na biktima ang nagsampa ng reklamo laban sa suspek, habang hinahanap pa ang kasabwat niyang si Botchok.

Nangako naman ang pulisya na lalo pa nilang hihigpitan ang seguridad para hindi na maulit ang nangyari.


Source: GMA News

No comments

Powered by Blogger.